Home NATIONWIDE Expert report, testimonya sa kaso ni Digong, hiniling ng ICC prosekusyon na...

Expert report, testimonya sa kaso ni Digong, hiniling ng ICC prosekusyon na tanggapin bilang ebidensya

1
0

THE HAGUE, Netherlands – Naghain ang prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) ng magkahiwalay na aplikasyon upang tanggapin bilang ebidensya ang isang expert report at mga naunang naitalang testimonya ng tatlong testigo sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ikaapat na aplikasyon na may petsang Oktubre 21 at inilabas sa redacted na bersyon noong Oktubre 23, hiniling ng prosekusyon sa mga hukom na tanggapin ang expert report ng testigong kinilala bilang P-1400, kasama ang 15 kaugnay na dokumento o materyales.

Humiling din ang prosekusyon ng pahintulot na magsagawa ng dalawang oras na karagdagang pagtatanong sa eksperto. Ayon dito, mababawasan sa dalawang oras mula sa limang oras ang direktang pagtatanong sa testigo, na makatitipid ng humigit-kumulang tatlong oras sa paglilitis.

Inilarawan ng prosekusyon ang ulat bilang “relevant, reliable and probative,” at sinabing saklaw ito ng kaalaman ng eksperto at makatutulong sa mga hukom sa pagtalakay sa mga isyu sa kaso.

Sa ikalimang aplikasyon naman, na may petsang Oktubre 22 at inilabas noong Oktubre 23, hiniling ng prosekusyon na tanggapin ang mga naunang naitalang testimonya ng mga testigong P-1155, P-1156, at P-1157, kasama ang mga kaugnay na dokumento.

Tumutukoy ang mga testimonya sa mga pagpatay na umano’y saklaw ng mga kasong isinampa laban kay Duterte, pati sa mga hinihinalang motibo sa pagpili ng mga biktima, mga utos at tagubiling may kaugnayan sa mga pagpatay, at mga bayad na kaugnay ng ilang insidente.

Ayon sa prosekusyon, may ebidensya rin ang mga testimonya na may kaugnayan sa umano’y indibidwal na pananagutang kriminal ni Duterte at sa mas malawak na konteksto ng mga krimeng laban sa sangkatauhan na isinasaad sa kaso.

Inilarawan din ng prosekusyon ang mga testimonya bilang “relevant, reliable, and probative.” Iginiit nitong magkakatugma ang mga ito, may ilang bahaging sinusuportahan ng mga dokumento, at umaayon sa iba pang ebidensyang inaasahang ihaharap sa paglilitis.

Sinabi ng prosekusyon na makatutulong ang pagtanggap sa mga naunang testimonya upang mapabilis ang paglilitis, habang bibigyan pa rin ang depensa ng pagkakataong tanungin ang mga testigo. Maaari rin silang tanungin ng mga hukom, mga partido sa kaso, at mga kinatawang abogado ng mga biktima.

Kung papayagan ang mga aplikasyon, hihiling din ang prosekusyon ng limitadong karagdagang pagtatanong upang linawin ang ilang bahagi ng ebidensya ng mga testigo.

Sa dalawang aplikasyon, iginiit ng prosekusyon na ang pagtanggap sa ebidensya sa ilalim ng Rule 68(3) ng ICC Rules of Procedure and Evidence ay hindi makaaapekto sa karapatan ni Duterte, dahil mananatili ang pagkakataon ng depensa na kuwestiyunin ang mga testigo.

Hiniling ng prosekusyon sa ICC Trial Chamber III na aprubahan ang dalawang aplikasyon alinsunod sa mga kinakailangan ng nasabing tuntunin.

Si Duterte, na pangulo ng Pilipinas mula 2016 hanggang 2022 at dating alkalde ng Davao City, ang kauna-unahang dating pinuno ng estado sa Asya na haharap sa paglilitis sa ICC.

Nahaharap siya sa tatlong bilang ng crimes against humanity. Ayon sa mga tagausig, may kaugnayan umano siya sa hindi bababa sa 76 na pagpatay na naganap mula 2013 hanggang 2018, noong alkalde pa siya ng Davao City at nang maging pangulo ng bansa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here