MANILA, Philippines – Target ng Philippine Coast Guard (PCG) ang zero maritime incident ngayong Undas lalo na at inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Kaugnay nito, ang PCG ay nakikipag-ugnayan na rin sa mga vessel operators at shipping companies para tugunan ang posibleng safety risks bago bumiyahe ang mga barko.
“Maritime safety is a shared responsibility, and we are calling on all shipowners to strictly observe maritime safety regulations, specifically on cargo stowage and fire prevention,” ani PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab.
Ayon sa Coast Guard, magtatalaga ito ng 17,000 tauhan sa buong bansa para sa Undas 2026 upang maiwasan ang insidente sa dagat sa gitna ng inaasahang pagdami ng pasahero.
“Our objective for Undas 2026 is to record zero maritime incidents. With the expected increase in passenger traffic, we are expanding preventive measures and working with concerned agencies and industry partners to ensure commuters traveling by sea reach their destinations safely,” dagdag ni Cayabyab.
Nakikipag-ugnayan din ang PCG sa Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA) at iba pang maritime stakeholders para pamahalaan ang galaw ng pasahero at tugunan ang safety concerns sa mga pantalan at barko.
Samantala, iniulat din ng PCG na nag-deploy ito ng rubber boat para magsagawa ng maritime patrol at law enforcement operations sa Lawak Island upang paalisin ang isang dayuhang sasakyang pandagat.
Ayon sa PCG, nagsagawa ng multiple radio challenge at verbal warnings ang PCG team at inatasang lisanin ng dayuhang barko ng Lawak Island na bahagi ng Munisipalidad ng Kalayaan, Palawan.
Giit ng PCG, sa ilalim ng international law, may buong soberanya ang Pilipinas sa territorial sea nito kung saan bawal mangisda ang dayuhang barko nang walang pahintulot. Jocelyn Tabangcura-Domenden