Home METRO 15-anyos estudyante utas, 2 sugatan sa pamamaril sa Agusan del Sur

15-anyos estudyante utas, 2 sugatan sa pamamaril sa Agusan del Sur

2
0

AGUSAN DEL SUR, Philippines – Patay ang isang 15-anyos na estudyante habang sugatan ang dalawa pa, kabilang ang isang 13-anyos na lalaki, matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang naglalakad pauwi mula sa isang konsiyertong inorganisa ng lokal na pamahalaan noong madaling-araw ng Sabado, Oktubre 24.

Ayon sa ulat ng Agusan del Sur Police Provincial Office (ADSPPO) na isinumite sa Police Regional Office 13, idineklarang dead on arrival sa isang lokal na ospital ang 15-anyos na biktima dahil sa mga tama ng bala. Residente siya ng Barangay San Agustin.

Sugatan naman sa insidente sina Leah Mea Tangkoy Budias, 23, at ang 13-anyos na estudyante. Kapwa sila residente ng kalapit na bayan ng San Luis at isinugod sa Talacogon District Hospital para sa agarang gamutan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dumalo ang mga biktima sa konsiyertong inorganisa ng lokal na pamahalaan noong Biyernes ng gabi. Pauwi na sila at naglalakad sa Purok Anthurium, Barangay San Agustin, nang pagbabarilin dakong alas-2 ng madaling-araw.

Humigit-kumulang isang kilometro lamang ang layo ng pinangyarihan sa himpilan ng pulisya sa bayan. Tumakas ang suspek patungo sa direksiyon ng San Luis matapos ang pamamaril.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Talacogon Municipal Police Station. Nakipag-ugnayan din ang mga pulis sa mga kalapit na himpilan at detatsment ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang harangan ang posibleng mga ruta ng pagtakas.

Patuloy ang pagkuha ng mga pahayag ng mga saksi at paghahanap ng iba pang ebidensya upang matukoy ang motibo sa krimen at makilala ang suspek. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here