PALAWAN, Philippines – Tatlong mangingisda ang nasagip matapos lumubog ang bahagi ng kanilang bangkang pangisda sa may Wedge Island sa San Vicente, Palawan, noong Biyernes, Oktubre 23, ayon sa Philippine Coast Guard.
Rumesponde ang Coast Guard Station North Central Palawan, sa pamamagitan ng Coast Guard Sub-Station San Vicente, sa insidente sa karagatan katuwang ang San Vicente Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Nasagip ang tatlong mangingisdang sakay ng bangkang pangisda na Loverboy sa tulong ng isa pang bangkang pangisda, ang Serenity, na rumesponde matapos makita ang emergency signals mula sa na-distress na bangka, ayon sa Coast Guard.
Nasa maayos namang kondisyon ang lahat ng tatlong nasagip na mamgingisda.
Kasunod ng insidente, hinimok ng Coast Guard ang mga mangingisda na suriin muna ang lagay ng panahon bago pumalaot, tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga bangka, at magdala ng mahahalagang kagamitang pangkaligtasan tulad ng life jacket upang maiwasan ang aksidente sa karagatan. Jocelyn Tabangcura-Domenden