MANILA, Philippines – Bubusisiin sa imbestigasyon sa salpukan ng dalawang eroplano ng Philippine Air Force (PAF) na kumitil sa buhay ng apat na piloto ang flight planning, pilot training, maintenance, at command leadership, ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Ani Teodoro, titingnan ng mga imbestigador ang lahat ng aspeto ng insidente at iginiit na ang accident investigation procedures ay hindi dapat mapangunahan.
“Hintayin natin ‘yung accident investigation. Alam mo iyan ay isang in-instill din natin sa Philippine Air Force, tamang proseso ng accident investigation. Merong proseso ‘yan at hindi dapat shino-shortcut,” sinabi ni Teodoro nitong Sabado, Oktubre 24.
Aniya, sasakupin ng imbestigasyon ang administrative procedures at flight planning, maging ang training, attitude at aptitude ng estudyante at instructor pilots.
“Nakakita na tayo noon ng mga gaps doon sa unang aksidente na nangyari dito kaya nga hinahabol nung Philippine Air Force ‘yung mga kailangan nilang remedial measures,” anang opisyal.
“Magmula sa curriculum, magmula sa attitude at aptitude ng mga estudyante at saka ng mga instructor pilots, magmula sa command leadership. Kasama lahat ‘yan,” dagdag pa ni Teodoro.
“Kung merong issue sa maintenance o modernization, lalabas ‘yun. Lahat ‘yan iniimbestigahan.” RNT/JGC