Home METRO Crematorium, columbarium sa Caloocan bukas na sa publiko

Crematorium, columbarium sa Caloocan bukas na sa publiko

1
0

MANILA, Philippines – PORMAL nang binuksan sa publiko ang proyektong pang-imprastraktura ng lokal na pamahalaan, ang Caloocan City Columbarium and Crematorium na matatagpuan sa Sunflower Street, Tala, Barangay 178 at Barangay 187, kasunod ng pagpapasinaya nito sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at Congressman Oscar “Oca” Malapitan.

Layon ng pasilidad na ito na mabigyan ang mga residente ng disente at maayos na serbisyo sa pag-alaala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ang nasabing pasilidad ay kabilang sa mga prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ni Mayor Along. Sinimulan ang konstruksyon nito sa mga unang taon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde.

Bukod sa cremation services at vault rentals, ang pasilidad ay mayroon ding urn storage, apat na funeral halls, lawn crypt, chapel, indoor at outdoor cinerarium upang makapagbigay sa mga mamamayan ng iba’t ibang pagpipilian para sa marangal na pag-alaala sa kanilang namayapang mga mahal sa buhay.

“Lagi pong prayoridad ng ating pamahalaang lungsod ang pangangalaga sa kapakanan ng mga Batang Kankaloo. Gusto po nating bawasan ang kanilang alalahanin, lalo na sa panahon ng pagdadalamhati, sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang mga serbisyo para sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay,” ani Mayor Along.

“Makakaasa ang ating mga kababayan na katuwang po ninyo kami sa lokal na pamahalaan sa bawat yugto ng buhay,” dagdag ng alkalde. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here