MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang cashier ng LOBO Super Club sa Malate, Maynila nitong Sabado ng madaling araw, Oktubre 24 dahil sa qualified theft.
Kinilala ng Manila Police ang mga suspek na sina Beltran, 29, cashier, at Jenny, 29, senior cashier.
Batay sa police report, napansin ng manager na si Caselyn si Beltran na pumunta sa locker room katabi ng cashier area sa No. 1917 Adriatico St., Brgy. 699, bandang alas-5 ng umaga noong Okt. 25 — na paglabag sa patakaran ng club na bawal magbukas ng locker habang naka-duty.
Sa CCTV footage, makikitang may hawak si Beltran na maliit na pulang bagay na kahawig ng kahon ng sigarilyo bago binuksan ang kanyang locker, kumuha ng dalawang P100, at bumalik sa cashier area.
Ibinigay umano niya ang pera kay Jenny, na inilagay ito sa cashier box saka kumuha ng ilang P50 at P100 na nagkakahalaga ng P1,150 at ibinigay kay Beltran, na bumalik sa locker room para itago ang pera.
Hinarap ng manager ang dalawang suspek at ipinabukas ang locker, kung saan narekober ang P1,150 — 17 piraso ng P50 at tatlong piraso ng P100.
Dinala ang dalawang suspek sa Remedios PCP bandang alas-6:30 ng umaga at isinailalim sa medical examination.
Inihahanda ang kasong paglabag sa Article 310 Qualified Theft sa ilalim ng Revised Penal Code para sa inquest sa Manila Prosecutor’s Office. Jocelyn Tabangcura-Domenden