Bulacan – Arestado ang pitong indibiduwal habang nakasamsam ng P78,200 halaga ng iligal na droga sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa lalawigang ito nitong Oktubre 24.
Sa ulat ni PLTCOL Gilbert Diaz, hepe ng Bocaue police station, dalawang drug suspect ang naaresto sa kanilang operasyon sa Brgy. Bambang bandang 9:15 ng gabi.
Nakumpiska sa operasyon ang apat na plastic sachet ng hinihinalang shabu na nasa halagang P34,000.00 at buy-bust money.
Samantala, ayon sa ulat ng San Rafael, San Miguel at DRT police station, limang indibiduwal ang naaresto sa kanilang operasyon.
Nasamsam sa mga operasyon ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P44,200.00 at buy-bust money.
Nabatid na ang lahat ng inaresto ay nasa kustodiya ng istasyong humuli sa kanila na mahaharap sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III