MANILA, Philippines – INUTUSAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Kalihim ng Transportation Vince Dizon na pabilisin ang mga repormang naglalayong mapagaan ang araw-araw na biyahe ng mga commuter at mapabilis ang mga proyektong pangmaramihang transportasyon, habang binigyan ng direktiba si Kalihim ng Public Works Giovanni “Banoy” Lopez na gawing pangmatagalan ang mga reporma at ipagpatuloy ang mga pagsulong sa pagpapaunlad ng imprastraktura.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano na nais ng Pangulo na matiyak na nararamdaman ng mga Pilipino ang konkretong pagbabago sa paghahatid ng mga serbisyong pampubliko.
“In the President’s own words: “We are shifting gears to accelerate reform. Secretary Dizon goes to DOTr to fix the daily commute. Secretary Lopez goes to DPWH to make sure the reforms there last. Lahat ng ito, para lalong bumilis at gumaan ang serbisyo ng gobyerno para sa ating mga kababayan,” ayon kay Secretary Cayetano.
“The President’s direction is clear: Secretary Dizon will accelerate results at Transportation, and Secretary Lopez will strengthen and sustain reforms at Public Works. This is how the President leads. He puts the right people where they can deliver the most,” dagdag pa ng kalihim.
Sinabi ni Cayetano na inutusan ng Pangulo si Dizon na bumalik sa Department of Transportation (DOTr) para gawing mas magaan ang araw-araw na biyahe ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagpapababa sa haba ng pila sa Land Transportation Office (LTO), pagtatanggal sa mga fixer, at pagkumpleto ng mga mahahalagang proyekto sa mga pampublikong transportasyon.
Nais ng Pangulo na mabawasan ang oras na ginugugol ng mga manggagawa at estudyante sa biyahe upang magkaroon sila ng mas maraming oras para sa kanilang pamilya.
“The mission stays the same: a government that works faster, serves better and makes life easier for every Filipino. Arangkada ang reporma para sa bawat Pilipino,” pahayag pa ni Cayetano.
Samantala, inutusan naman si Lopez na ipagpatuloy ang mga reporma sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga mekanismo ng transparency at accountability at matiyak na ipagpapatuloy ang mga pagbabago sa departamento.
Sa panahon ng pamumuno ni Dizon sa DPWH, nauna nang ipinatupad ang mga reporma upang palakasin ang transparency at accountability sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Binuksan rin sa publiko ang libo-libong proyekto upang masuri ng mga mamamayan, kasabay ng mga pagsisikap na tapusin ang mga proyektong matagal nang hindi natatapos at tugunan ang pag-aaksaya ng pondo at katiwalian.
“Secretary Giovanni “Banoy” Lopez will secure these gains with a system built to last. A lawyer and certified public accountant, he has been tasked to strengthen safeguards and institutionalize the reforms, turning them into rules, processes and systems that will keep serving Filipinos even after this administration, for decades to come,” dagdag ni Cayetano.
Inutusan din si Lopez na pabilisin ang mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng kalsada, tulay at iba pang imprastraktura sa mga komunidad sa buong bansa. KRIS JOSE