Home NATIONWIDE 307 magsasaka makikinabang sa solar irrigation project sa Cagayan

307 magsasaka makikinabang sa solar irrigation project sa Cagayan

3
0

MANILA, Philippines – PINASINAYAAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes, ang Pamplona Solar Pump Irrigation Project sa Barangay Gattu, Pamplona, Cagayan, na magbibigay ng sapat na suplay ng tubig sa 307 magsasaka sa limang barangay.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), kayang magpatubig ng proyekto sa 602.62 ektarya ng sakahan.

Gumagamit ito ng tatlong solar-powered pump at 384 na solar panel upang matiyak ang suplay ng tubig, lalo na kapag tagtuyot at kaunti ang pag-ulan.

Naibalik din ng proyekto ang patubig sa 100 ektaryang sakahan, na makatutulong sa mga magsasaka na mapabuti ang kanilang ani at hindi gaanong umasa sa ulan.

Sinabi ni Lawrence Daguna, pangulo ng Pamplona Irrigators Association, na nakatulong ang pasilidad upang maipagpatuloy nila ang pagsasaka sa kabila ng epekto ng El Niño.

“Kaya sa awa ng Diyos nakatapos na rin  kami ng ani,” ani Daguna, na nagpapatunay na nagagamit na ang pasilidad bago pa man ito pormal na pinasinayaan.

Hiniling din ni Daguna, na magtayo pa ng mga solar-powered irrigation system sa iba pang lugar upang mas maraming magsasaka ang makinabang.

Bahagi ang proyekto ng programa ng administrasyong Marcos na palawakin ang irigasyon, mapataas ang ani, at mapatatag ang suplay ng pagkain sa bansa. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here