MANILA, Philippines – Pinayagan ng Sandiganbayan on Monday ang dalawang opisyal ng Department of Health (DOH) na tumestigo sa graft case laban kay dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao kaugnay sa iligal na paglipat ng P41 bilyong pondo ng DOH patungo sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) noong panahon ng COVID-19 pandemic.
Pinayagan ng First Division sina Dawnavi Lacsado and Abegail Conchada, administrative officers ng DOH procurement unit, na tumayo sa witness stand sa kabila ng mosyon ng depensa na idiskwalipika ang mga ito.
Ang mga testimonya ay makatutulong umano para ilatag ang mga tungkulin ng mga opisyal sa procurement operations ng DOH at ang papel ng COVAC Secretariat sa panahon ng pandemya.
Makatutulong din ang salaysay ng mga ito na magbigay ng linaw sa lawak ng kanilang kaugnayan sa procurement-related activities at limitasyon ng kanilang kaalaman sa policy decisions sa sentro ng kaso.
Sa kabila nito, iginiit ng defense lawyers na ang testimonya ng mga opisyal ay kapareho lamang ng sa ibang mga testigo at lumalabag sa karapatan ng akusado sa mabilis na paglilitis.
Iginiit naman ng prosekusyon na ang urgent motion ng depensa na idiskwalipika ang dalawang opisyal ay walang factual o legal na basehan.
Sa cross-examination ng depensa, kinumpirma nina Lacsado at Conchada na bahagi sila ng COVID-19 Vaccination Plan (COVAC) Secretariat.
Sa kabila nito, sinabi nila na wala silang personal na kaalaman sa policy-level decisions, katulad ng kung dapat gamitin ng DOH ang sariling procurement unit o PS-DBM para sa procurement requirements.
Ngunit nang tanungin ng depensa kung ang tungkulin ng mga ito ay limitado lamang sa pag-compile ng procurement-related documents, sinagot naman ni Lacsado na hindi.
Tinanong din si Conchada kung nag-operate ang COVAC teams ng skeletal o reduced workforce noong pandemic at sinabing “The COVAC [teams] are all working.”
Ani Conchada, unang nagconvene ang buong team online noong pandemic ngunit kalaunan ay binawasan ang bilang ng mga miyembro na kailangang dumalo sa bawat pagpupulong dahil sa logistical challenges, kabilang ang internet connectivity issues.
Sa pagtatapos ng hearing, pinayagan ng korte ang hiling na karagdagang panahon ng prosekusyon para magpasa ng compliance report na nagpapaliwanag sa layunin ng bawat 54 witness na inilista.
Ayon sa prosekusyon, magpapasa ito ng judicial affidavits ng mga witness nalayong ipresenta limang araw bago ang susunod na hearing sa Nobyembre 9.
Si Duque at Lao ay kasalukuyang nakalaya matapos makapagpiyansa.
Ang mga susunod na hearing sa graft case ay nakatakda sa Nobyembre 23 at Enero 28. RNT/JGC