MANILA, Philippines – Maghahain ng motion for inhibition ngayong Lunes, Oktubre 26, si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag laban sa Davao City prosecutor sa paghawak ng reklamong libel at cyberlibel na inihain ni Davao City First District Rep. Paolo Duterte.
Sa panayam nitong Lunes, sinabi ni Matibag na napag-alaman niya na ang prosecutor ay first cousin ni Honeylet Avanceña, common-law partner ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Alam naman natin, sabihin walang legal relationship because by affinity, wala naman dahil hindi naman kasal, but still, it develops a sense of alarming reason for us to transfer dahil nandoon pa rin yung malalim na relationship to remove the bias already,” sinabi ni Matibag.
Nais din niya na ang venue ng reklamo ay mailipat sa Department of Justice (DOJ) national prosecution service.
Matatandaan na noong Biyernes ay nagsampa ng reklamong libel at cyberlibel si Duterte laban kay Matibag, maging sa ilang mga indibidwal partikular ang mga opisyal at mamamahayag ng isang TV network kaugnay sa mga alegasyon umanong hindi totoo at layong sirain ang kanyang reputasyon.
Ang reklamo ay nag-ugat mula sa mga alegasyon ng dismissed police officer na si Rodulfo Gracioso Jr. na naghatid umano ito ng mga maleta ng cash sa mga miyembro ng pamilya Duterte sa utos ni dating Speaker Lord Allan Velasco. RNT/JGC