MANILA, Philippines – Inatasan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang lahat ng unit nito na paigtingin ang bomb threat awareness campaign sa mga paaralan sa Metro Manila kasunod ng insidente sa University of Santo Tomas (UST).
Ayon sa NCRPO, layunin nitong tiyakin ang mabilis at koordinadong pagtugon sa anumang bomb threat, tamang threat assessment at maayos na pagpapatupad ng emergency procedures upang maprotektahan ang mga estudyante at school personnel.
Kasunod ito ng bomb threat na naiulat noong Oktubre 23 sa St. Martin de Porres Building ng UST Faculty of Medicine and Surgery sa Manila.
Isang liham na naglalaman ng banta ang natagpuan umano sa loob ng cubicle sa women’s restroom, dahilan upang maantala ang mga klase. Kasama rin sa binanggit sa threat ang Main Building at St. Raymund de Peñafort Building ng unibersidad.
Bilang pag-iingat, nagpatupad ang UST ng remote arrangements kinabukasan.
Ayon kay NCRPO officer-in-charge Brig. Gen. Christopher Abrahano, kailangang alam ng mga paaralan kung sino ang dapat kontakin, paano mag-report ng banta at kailan dapat magpatupad ng emergency measures.
Inatasan din ang mga police unit na palakasin ang koordinasyon sa school administrators, security personnel, local government units at emergency responders.
Kabilang sa dapat saklawin ng awareness campaign ang tamang pag-report ng threat, agarang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad, maayos na evacuation kung kinakailangan, pag-secure sa apektadong lugar at security assessment bago ibalik sa normal ang klase.
Pinaalalahanan din ang mga opisyal ng paaralan na panatilihin ang anumang ebidensya at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng panic sa publiko. Santi Celario