QUEZON CITY – Patay ang isang ama at kanyang 11-buwang gulang na sanggol matapos madaganan ng dump truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Luzon Avenue corner Congressional Avenue sa Barangay Culiat nitong Martes ng madaling araw.
Patuloy namang inoobserbahan sa ospital ang ina ng sanggol na kasama rin sa motorsiklo nang mangyari ang insidente.
Batay sa kuha ng CCTV, mabilis umano ang takbo ng dump truck bago ito tumagilid at matapon ang kargang buhangin sa kabilang bahagi ng kalsada.
Ayon sa ilang residente, nagulat na lamang sila nang makitang nakatagilid na ang truck.
Nagdulot din ng pagbagal sa daloy ng trapiko ang insidente dahil sa kumalat na langis at buhangin sa kalsada.
Nasa kustodiya na ng Quezon City Police District Traffic Sector 6 ang driver ng truck.
Hindi ito nagpaunlak sa panayam.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong sanhi at posibleng pananagutan sa insidente. Santi Celario