MANILA, Philippines – Tinawag ni Senate Judge Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes na kalokohan (foolish) ang mungkahing tatanggihan ng mga senador ang posibleng nomination bilang Bise Presidente sakaling mahatulan at matanggal sa puwesto si Vice President Sara Duterte-Carpio.
Kinuwestiyon din ni Lacson ang kapal ng apog ni Sen. Alan Peter Cayetano na ihain ang naturang mungkahi, kasabay ng pagbibigay-diin na hanggang 2031 ang kanyang mandato bilang senador at hindi niya isinasaalang-alang ang posisyon ng bise presidente.
“Somebody had the gall to suggest that my Senate colleagues should decline a Vice Presidential appointment from President Ferdinand Marcos Jr. if the impeachment trial ends in conviction. While ‘no comment’ would be the most appropriate response to such a nonsensical idea, silence might be misconstrued as interest in the position,” aniya sa isang post sa X.
“Let me be clear: I have a mandate to fulfill until 2031, and the VP post is not under consideration,” dagdag niya.
Binanggit niya ang isang sitwasyong maaaring isaalang-alang ng Pangulo ang pagkakatalaga kay Sen. Manuel “Lito” Lapid bilang bise presidente.
“What if PBBM considers appointing Sen. Lito Lapid because he is makamasa and has a good heart? Must Sen. Lapid decline simply because he is a senator-judge? Isn’t that a foolish proposition?” aniya.
Sinabi ni Lacson na hindi nararapat ang panawagan ni Cayetano na mangako ang mga senator-judge na tatanggihan nila ang posibleng pagkakatalaga bilang bise presidente, dahil nakasaad sa Konstitusyon na ang Pangulo ang magmumungkahi ng kapalit na bise presidente sakaling mabakante ang puwesto.
Sa ilalim ng Section 9, Article VII ng 1987 Constitution, kapag nabakante ang puwesto ng bise presidente, kailangang magmungkahi ang Pangulo ng kapalit mula sa mga miyembro ng Senado o Kamara.
“Huwag niyang pakialaman, huwag niyang pangunahan kasi Pangulo yung namimili, of course, subject to the confirmation ng Congress, di ba? Pero huwag niyang pangunahan,” ani Lacson. Ernie Reyes