Home HOME BANNER STORY Bilang ng Chinese vessels sa WPS, tumaas pa sa 54 – AFP

Bilang ng Chinese vessels sa WPS, tumaas pa sa 54 – AFP

1
0

MANILA, Philippines – Umabot sa 54 ang mga barkong Tsino na namonitor sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) mula Oktubre 20 hanggang 26, mas mataas kumpara sa 31 noong nakaraang linggo, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes.

Ayon kay AFP spokesperson for the WPS Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, kabilang sa mga namonitor ang mga barko ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG).

Narito ang bilang ng mga barkong Tsino sa bawat lugar:

–Ayungin Shoal: 7 PLAN at 7 CCG vessels

–Bajo de Masinloc: 6 PLAN at 11 CCG vessels

–Escoda Shoal: 5 PLAN at 2 CCG vessels

–Pag-asa Islands: 4 PLAN at 12 CCG vessels

Mas mataas ito kaysa sa 31 barkong naitala mula Oktubre 13 hanggang 19.

Patuloy ang tensiyon sa South China Sea dahil inaangkin ng China ang halos buong estratehikong katubigan, na dinaraanan ng mahigit $3 trilyong halaga ng mga kalakal kada taon. May magkakapatong ding pag-aangkin sa teritoryo at karagatan ang Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei at Indonesia.

Ginagamit ng pamahalaan ng Pilipinas ang pangalang West Philippine Sea para sa mga katubigang nasa kanlurang bahagi ng kapuluan, kabilang ang Luzon Sea at mga katubigang nakapaligid sa Kalayaan Island Group at Bajo de Masinloc.

Noong 2016, nagpasya ang arbitral tribunal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea pabor sa Pilipinas sa kasong isinampa nito laban sa China. Ipinasiya ng tribunal na walang legal na batayan sa ilalim ng naturang convention ang pag-angkin ng China sa makasaysayang karapatan sa mga katubigang saklaw ng tinatawag na nine-dash line.

Gayunman, hindi kinikilala ng China ang naturang desisyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here