MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang malakanyang kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na sumuko na.
Hinikayat itong huwag maging ehemplo para sa ibang pugante sa pamamagitan ng patuloy na pagtatago.
Nauna rito, naglaan ng ₱50 million na pabuya para sa pagdakip sa senador na itinuturing na ‘armed and dangerous”, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla
Nagbigay naman ng isang linggong deadline ang Philippine National Police (PNP) para sa ikadarakip ni Bato dela Rosa.
“Ang period na ibinigay kay Senator Bato Dela Rosa ay para sumuko siya nang maayos, na hindi na gagalaw pa sana ang kapulisan dahil mas maganda magkaroon ng voluntary surrender,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa Cagayan de Oro City.
“Pero kung ang isang tao na pinapa-surrender ay nagmamatigas at parang binabalewala ang batas at ang gobyerno at mga law enforcers natin, patuloy na siya ay hahagilapin at hindi magsasa-balewala, hindi tutulugan ito, lalong lalo na ng ating mga kapulisan,” aniya pa rin.
Tinukoy si Remulla, sinabi ni Castro na ang DILG ay “no mercy” kung hindi susuko si dela Rosa matapos ang one-week ultimatum.
Binigyang diin din ni Castro na si dela Rosa, isang sitting senadtor at dating hepe ng PNP, ay siyang dapat na manguna sa paggalang at pagpapatupad ngn batas.
“Wag siyang maging ehemplo, ‘wag siyang maging modelo sa mga taong merong kinakaharap na warrant of arrest at magtatago,” ang binigyang diin ni Castro.
“‘Wag siyang maging ehemplo para sa ibang mga, sabihin nating mga pugante, na magtago dahil siya ang gagawing idolo,” aniya pa rin.
Samantala, mag-iisang taon na sa Nobyembre mula nang umano’y maglabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng kaniyang sinasabing criminal responsibility sa mga pagkamatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte. (KRIS JOSE)