Home NATIONWIDE LGUs, pinagtatayo ni Hontiveros ng hydration station, libreng tubig vs Super El...

LGUs, pinagtatayo ni Hontiveros ng hydration station, libreng tubig vs Super El Nino

2
0
larawan ni Cesar Morales

MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Risa Hontiveros ang lahat ng local government units (LGUs) na magtayo ng hydration stations upang makapagbigay ng libreng tubig na inumin sa sinuman bilang paghahanda laban sa epekto ng Super El Nino sa bana.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan nang kumilos ng pamahalaan upang tugunan ang magiging epekto ng Super El Nino dahil patuloy na ibinababala ng eksperto ang panganib sa kalusugan nito.

“Dapat may libreng drinking water stations sa mga lugar kung saan araw-araw na nagtatrabaho at nagtitipon ang ating mga kababayan. Hindi dapat dagdag gastos ang pag-iwas sa dehydration at heat stroke,” ayon kay Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Health and Demography.

“Hindi rin sapat na mag-report lang ng heat index. Kailangan nating tiyakin na mayroon tayong ligtas na mapagpapahingahan at malinis na tubig na maiinom. Dapat makapaglagay ang gobyerno ng mga hydration stations gaya ng drinking fountains at water refilling stations sa mga palengke, terminal, at iba pang matataong lugar para lahat may access sa libre at malinis na tubig,” diin niya.

Iginiit pa ni Hontiveros na maaaring gawing cooling shelters ang kasalukuyang public spaces tulad ng paaralan, library, museo at community centers sakaling lumala ang tindi ng init sa lugar.

Iminungkahi din ni Hontiveros sa malls at iba pang pribadong lugar na maglaan ng komportable, air-conditioned common areas na maaaring pagpahingahan ng publiko kahit walang binibili.

“May mga public spaces na naman tayo sa government na pwedeng puntahan ng ating mga kababayan. Sana makapaglaan din ang ating private sector ng mga lugar kung saan malayang makapagpapahinga at makapagpapalamig ang mga tao, kahit wala silang bibilhin. May oras pa para ihanda at buksan ang mga ito nang angkop sa kanya-kanyang komunidad,” ayon kay Hontiveros.

“Sa projections ng mga eksperto, maaaring ito na raw ang pinakamalakas na El Niño sa kasaysayan, kaya dapat paghandaan ito ng gobyerno kasama ang LGUs at private sector. Kapag may bagyo, alam nating kailangan ng evacuation centers at work and class suspensions. Kaya ngayong posible tayong makaranas ng matinding init, kailangan din ng matinding paghahanda,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Hontiveros na may ilang solusyon na ipinatutupad upang tugunan ang madaliang epekto ng Super El Nino sa pamamagitan ng   Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorating Investment and Sustainable Economic Growth (RISE) na kanyang pinamumunuan.

“Seryosohin natin ang mga babala ng mga eksperto dahil buhay ng libo-libong mga Pilipino ang nakasalalay sa pagpapatupad natin ng mga epektibong mitigation measures laban sa sobrang init,” ani Hontiveros.

“Hindi man natin makokontrol ang panahon, kayang-kaya nating pag-planuhan at ayusin kung paano natin matutulungan ang isa’t isa na malampasan ang Super El Niño,” giit ni Hontiveros. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here