MANILA, Philippines – Lalong tumatag ang paninindigan ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson na protektahan ang pondo ng bayan matapos makipag-ugnayan sa mga budget advocacy group sa isang pagdinig nitong Lunes, kahit na nakadama siya ng magkahalong panghihina ng loob at pag-asa.
Pinasalamatan ni Lacson ang mga civil society organization (CSO) sa kanilang sigasig na makatulong sa pagpapanatili ng transparency sa proseso ng pagbubuo ng badyet, dahil hindi kayang makita ng mga senador ang lahat ng red flag sa panukalang badyet.
“MAAWA NAMAN KAYO! Yesterday’s budget hearing left me torn between despair and hope. Engaging with diverse advocacy groups, both young and old, united as guardrails for public funds was truly inspiring. As a steadfast budget vanguard myself, it has further strengthened my resolve,” aniya sa isang post sa X.
Inilarawan ni Lacson bilang isang paradox ang pagdinig nitong Lunes, dahil sa mga isyung inilahad ng mga kinatawan ng CSO ay napaisip siya kung may pag-asa pa ba ang bansa.
Gayunman, sinabi niyang ipinakita ng sigasig at dedikasyon ng mga ito sa kanilang adbokasiya na malaki pa rin ang pag-asa ng Pilipinas. Pinatibay din aniya nito ang paninindigan ng mga senador at kapwa mambabatas na nagsusulong ng transparency sa badyet.
“Parang napakalaking paradox para sa akin ang pagdinig. Sa isang banda, after marinig ang inyong hinaing, parang may pagasa ba itong bayan? On the other hand, after hearing their passion and advocacy isipin mo rin malaki ang pagasa ng ating bayan,” aniya.
“Maraming salamat, very informative, maraming nakaka-enlighten at nakakapag-strengthen ng resolve. Malakas ang aming advocacy sa budget gusto naming malinis. Nadagdagan ang aming resolve pagkatapos ng hearing,” dagdag niya.
Iminungkahi rin ni Lacson na imbitahan ang mga kinatawan ng CSO sa mga pagdinig ng bicameral conference committee sa panukalang pambansang badyet upang magsilbing “cheering squad” ng mga mambabatas na nagsusulong ng transparency.
“Baka pwedeng imbitahin natin sila, na alam n’yo, pagka maraming cheering squad, medyo mas malakas ang laban,” aniya.
Binigyang-diin ni Lacson ang mahalagang papel ng mga CSO sa pagtulong sa mga senador na busisiin ang panukalang pambansang badyet at tukuyin ang mga kuwestiyonableng item, lalo na’t inaasahan ng pamahalaan ang P1.695 trilyong kakulangan sa badyet at P3.043 trilyong kabuuang pangungutang sa 2027.
Tinawag ni Lacson na “multiplier effect” ang ambag ng mga CSO sa pagsusuri ng mga senador sa panukalang badyet.
“Without you, hindi namin kaya. Magaling ang staff namin pero di kaya i-comb lahat na item sa budget. Kayo ang aming multiplier effect,” sinabi niya sa mga kinatawan ng CSO.
Muli ring iginiit ni Lacson ang panukala niyang panatilihing umaandar ang mga livestream camera kahit nakasuspinde ang mga pagdinig upang makita ng publiko ang mga pinag-uusapan o “binubulong” ng mga mambabatas habang may break.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng transparency sa pagbuo ng pambansang badyet, lalo’t inaasahang aabot sa P1.695 trilyon ang kakulangan sa badyet ng Pilipinas sa 2027, habang P3.043 trilyon naman ang kabuuang pangungutang. Inaasahan ding aabot sa P1.583 trilyon ang pambayad sa principal ng utang at P1.46 trilyon ang netong pondong magmumula sa pangungutang. Nakatakda sa P2.34 trilyon ang domestic borrowings at P700 bilyon ang foreign borrowings.
Inaasahang aabot naman sa P21.48 trilyon ang pambansang utang sa 2027.
Pagprotekta sa Pondo para sa Universal Health Care
Sa pagdinig, iminungkahi rin ni Lacson na huwag nang isama sa taunang General Appropriations Act (GAA) ang tinatayang P311 bilyong pondong nakalaan para sa Universal Health Care (UHC) Act ngunit hindi pa naipalalabas, upang maiwasan ang paglilipat ng mga ito sa mga kuwestiyonableng paggagamitan.
Kabilang sa pinagmumulan ng mga pondong ito ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at mga nalilikom mula sa buwis sa mga produktong may kaugnayan sa kalusugan, o *sin tax*. Ayon sa pagtataya ng mga CSO sa pagdinig, umabot na sa P311 bilyon mula pa noong 2022 ang naipong pondong nakalaan ngunit hindi pa naipalalabas.
Sinabi ni Lacson na pitong taon matapos maipasa ang UHC Law, dapat ay umusad na ang bansa tungo sa pagsaklaw sa lahat ng barangay. Sa halip, aniya, bumalik sa pilot testing sa mga piling barangay ang pagpapatupad nito.
“I was asking my lawyer, legislative staff, mas maganda siguro huwag na ipasok sa GAA kasi subject to kalikot. Pag pinasok sa GAA, siyempre pwedeng paglaruan. So siguro an amendment of the UHC law is in order para talagang nandoon na, hindi na ipapasok sa GAA, kasi diyan nagkakaroon ng flexibility ika nga, or abuse for that matter,” aniya.
Sinabi naman ni Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na tatandaan niya ang panukala ni Lacson. Ernie Reyes