Home NATIONWIDE Higit 750,000 sasakyan inaasahan sa expressways ngayong Undas

Higit 750,000 sasakyan inaasahan sa expressways ngayong Undas

3
0

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng mga namamahala sa expressway ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe ngayong Undas dahil inaasahang lalampas sa 750,000 kada araw ang bilang ng mga sasakyang daraan sa mga pangunahing expressway sa Northern, Central at Southern Luzon.

Ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), inaasahang tataas nang 12% ang trapiko sa mga araw ng Oktubre 30 at 31, kumpara sa karaniwang 3% hanggang 5% na pagtaas sa kabuuang dami ng sasakyan sa kanilang mga expressway.

Kabilang dito ang North Luzon Expressway (NLEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX), NLEX Connector, Cavite Expressway (CAVITEX) at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).

Bilang paghahanda, ipatutupad ng MPTC ang programang “Biyaheng Arangkada” mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang mapahusay ang pamamahala sa trapiko, kaligtasan sa kalsada at pagtugon sa pangangailangan ng mga motorista.

Sa kasalukuyan, nasa 686,000 ang average na bilang ng sasakyan kada araw sa mga expressway ng MPTC: 342,000 sa NLEX, 78,000 sa SCTEX, 22,000 sa NLEX Connector, 163,000 sa CAVITEX Segment 1–4, 31,000 sa CAVITEX C5 Link at 50,000 sa CALAX.

Inaasahang tataas ito sa mahigit 734,000 o 5% na pagtaas, at posibleng umabot sa 768,320 kapag sumipa sa 12% ang dami ng sasakyan sa mga araw ng pinakamatinding biyahe.

Sa NLEX at SCTEX, inaasahang dadami ang mga sasakyang palabas ng Metro Manila mula hapon ng Oktubre 30 hanggang hapon ng Oktubre 31. Samantala, inaasahang magsisimula ang dagsa ng mga pabalik na motorista sa hapon ng Nobyembre 2 hanggang madaling-araw ng Nobyembre 3.

Sa CAVITEX at CALAX, inaasahan naman ang mataas na volume ng trapiko sa hapon ng Oktubre 30 at umaga ng Nobyembre 3.

Magpapakalat ang MPTC ng 2,000 tauhan para sa pamamahala ng trapiko, toll collection, seguridad, pagtugon sa mga insidente at iba pang operasyon. Makikipag-ugnayan din ang mga traffic team sa Philippine National Police (PNP), mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.

Magiging available ang mga charging station para sa electric vehicle sa piling NLEX Rest and Refuel Stations, libreng Wi-Fi sa ilang istasyon sa pakikipagtulungan ng Smart, at libreng bottled water sa mga roadside assistance station sa tulong ng Maynilad.

Suspendido naman ang roadworks, lane closures at maintenance activities mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3, maliban sa mga agarang pagkukumpuni para sa kaligtasan.

Pinayuhan din ang mga motorista na gamitin ang mga alternatibong ruta, kabilang ang NLEX Connector para sa biyahe sa western Metro Manila at mga destinasyon sa Northern at Central Luzon. Nagbibigay naman ng koneksyon mula C5 Road sa Taguig patungong CAVITEX ang CAVITEX C5 Link.

Patuloy ding pinalalawak ang expressway network. Inaasahang magbibigay ng karagdagang daan papuntang NLEX ang nakatakdang pagbubukas ng NLEX-C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A, na mag-uugnay sa NLEX Mindanao Toll Plaza at Quirino Highway. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here