Home METRO Lalaki nagpanggap na pulis arestado 

Lalaki nagpanggap na pulis arestado 

1
0

QUEZON CITY, Philippines – Arestado ang isang 31-anyos na lalaki makaraan itong magpanggap na pulis at hindi tamang pagsuot ng uniporme at insignia ng Philippine National Police (PNP) sa isang hotel sa Cubao, Quezon City kaninang madaling araw  Oktubre 27 (Martes).

Dinakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Acting District Director Police Brigadier General (PBGEN) CHRISTOPHER OLAZO, ang suspek na kinilala sa alyas na “Ralph.” Ito ay dahil sa umano’y pagpapanggap bilang isang pulis.

Batay sa paunang imbestigasyon, bandang 12:20 ng umaga tumugon ang mga tauhan ng Cubao Police Station (PS 7), sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel JOY LEANZA, sa ulat mula sa isang security guard ng hotel hinggil sa reklamo ng isang 54-taong-gulang na negosyante. Ayon sa nagreklamo, ang suspek—na nakasuot ng uniporme ng PNP—ay ilang beses na inakbayan siya nang mahigpit sa leeg.

Ang uniporme ng suspek ay mayroong rank insignia na Police Executive Master Sergeant (PEMS), apelyidong “OSEA,” at unit insignia ng Taguig City Police Station.

Sinabi umano ng suspek na siya ay miyembro ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakatalaga sa Camp Crame, ngunit ng hanapan ng identification card (ID) ay nabigo siyang magpakita ng PNP identification card. Nang beripikahin ito sa mga tauhan ng CIDG, nakumpirmang walang pulis na may ranggong PEMS at apelyidong “OSEA” ang nakatalaga sa kanilang tanggapan; dahilan upang arestuhin ng mga rumosponding pulis ang suspek

Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Articles 177 (Usurpation of Authority o Official Functions) at 179 (Illegal Use of Uniforms o Insignia) ng Revised Penal Code, na napapailalim sa mga natuklasan ng imbestigasyon at naaangkop na legal na proseso.

“Pinapaalalahanan ng QCPD ang publiko na manatiling mapagbantay at mag-ulat kaagad ng mga kahina-hinalang aktibidad. Palaging i-verify ang mga kredensyal ng mga indibidwal na nagsasabing sila ay mga pulis, lalo na kapag ang kanilang pag-uugali ay nagdudulot ng makatwirang hinala. Ang mga napatunayang labag sa batas ay nagmisrepresenta sa kanilang sarili bilang mga pulis ay dapat managot alinsunod sa batas at angkop na proseso,” sabi ni PBGEN OLAZO. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here