CALAMBA CITY, Philippines – Umabot sa 43°C ang heat index sa Calamba City, Laguna, nitong Martes, dahilan upang magbabala ang lokal na pamahalaan laban sa matagal na pagbabad sa matinding init.
Ayon sa advisory ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), naitala ang 43°C heat index bandang alas-1 ng hapon, mula sa 40°C alas-11:30 ng umaga at 38°C alas-10:20 ng umaga.
Sa mga nakaraang araw, naitala ang 40°C noong Oktubre 26, 38°C noong Oktubre 25 at 24, at 37°C noong Oktubre 23. Umabot din sa 40°C ang heat index noong Oktubre 22, mula sa 38°C noong Oktubre 21.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang heat index ay ang temperaturang nararamdaman ng katawan kapag pinagsama ang temperatura ng hangin at halumigmig.
May apat na kategorya ang heat index: “Caution” sa 27°C hanggang 32°C, “Extreme Caution” sa 33°C hanggang 41°C, “Danger” sa 42°C hanggang 51°C, at “Extreme Danger” sa 52°C pataas.
Dahil nasa “Danger” category ang naitalang 43°C, pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga residente na ang matagal na pagkabilad sa init ay maaaring magdulot ng heat cramps at heat exhaustion, lalo na sa mga direktang nasisikatan ng araw.
Pinayuhan ng CDRRMO ang publiko na uminom ng maraming tubig sa buong araw, kahit hindi pa nauuhaw, manatili sa loob ng bahay kung maaari, at iwasan ang mabibigat na gawaing panlabas sa pinakamainit na oras ng araw. RNT/MDS