Home TOP STORIES Prosecution witness: Romualdez ‘di swak sa project proponents sa P5-B kickback deliveries

Prosecution witness: Romualdez ‘di swak sa project proponents sa P5-B kickback deliveries

60
0

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng isang prosecution witness nitong Martes na hindi kabilang si dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa mga proponent ng flood control projects na pinagkunan umano ng bilyon-bilyong pisong “commitment fees” o kickbacks.

Ito ang naging testimonya ni Engineer Carlo Rivera ng Department of Public Works and Highways-Bulacan First District Engineering Office sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa petisyon para sa piyansa ni Romualdez, na nahaharap sa P7.4-bilyong plunder case.

Ayon kay Rivera, tinatayang P5 bilyon na commitment fees mula sa mga contractor ang personal niyang na-deliver sa kanyang dating superior na si Henry Alcantara mula 2022 hanggang 2025.

Sinabi niyang ang mga nakolektang pera ay kalaunang ipinadala umano kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na siya namang namamahagi sa mga proponent ng proyekto.

Sa testimonya ni Rivera, kabilang umano sa mga project proponents si Co, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at ilang mambabatas.

Nang tanungin ng abogado ni Romualdez kung kabilang ang dating Speaker sa listahan ng mga proponent na kanyang tinukoy, sumagot si Rivera na hindi.

Batay pa sa kanyang testimonya, umabot umano sa P519 milyon ang commitment fees noong 2022, P12.93 bilyon noong 2023, P14.19 bilyon noong 2024 at P7.385 bilyon noong 2025.

Sinabi rin ni Rivera na ang mga commitment fee ay nakatala umano sa pangalan ni Co at siya mismo ang nakikipag-ugnayan sa ilang contractor para sa koleksyon.

Kabilang sa mga contractor na kanyang binanggit ang Topnotch Catalyst Builders, ARL Builders, Wawao Builders, IM Construction Corp. at SYMS Construction Trading.

Ayon kay Rivera, si Alcantara ang nag-utos sa kanya na mangolekta ng commitment fees mula sa mga contractor.

Patuloy ang bail hearing ni Romualdez at wala pang pinal na desisyon ang Sandiganbayan sa kanyang pananagutan sa kasong plunder.

RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here