MANILA, Philippines – Hindi muna pagbabayarin ng real property tax (RPT) at local business tax ang mga establisimyentong nagtatayo at nagpapatakbo ng electric vehicle (EV) charging stations sa Batangas City.
Batay sa bagong ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod, saklaw ng tax exemption ang lahat ng kasalukuyan at itatayong EV charging stations sa lungsod, kabilang ang mga pasilidad at kagamitang ginagamit sa pagkarga ng kuryente ng mga electric vehicle at plug-in hybrid electric vehicle.
Inihayag ito ng Public Information Office ng Batangas City nitong Lunes matapos aprubahan ang ordinansa sa regular na sesyon ng konseho. Inakda ito ni Councilor Claudette Ambida.
Layunin ng hakbang na hikayatin ang paggamit ng mga makabagong teknolohiyang makakalikasan at makatulong sa pagbawas ng carbon emissions.
Sa ilalim ng ordinansa, makikinabang ang mga kwalipikadong establisimyento sa limang taong tax exemption. Pagkatapos ng nasabing panahon, muli silang sisingilin ng mga naaangkop na buwis alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Nilinaw din sa ordinansa na ang exemption sa real property tax ay para lamang sa mga makinarya at kagamitang ginagamit sa pagpapatakbo ng EV charging stations. Hindi awtomatikong saklaw nito ang lupa, gusali at iba pang estrukturang kinatatayuan ng mga pasilidad.
Kailangan pa ring kumuha ng mga kinakailangang business permit ang mga operator at magbayad ng iba pang regulatory fees, kabilang ang mga bayarin para sa fire safety at environmental requirements.
Inaatasan din ang mga establisimyentong nais makinabang sa insentibo na magsumite ng pormal na aplikasyon sa Office of the City Treasurer, City Assessor’s Office at Business Permits and Licensing Office (BPLO). RNT/JGC