TINGNAN: Huling nakita si Senador Ronald "Bato" Dela Rosa sa pintuan ng Senators' Executive Lounge habang may sesyon nitong Miyerkoles, ilang oras bago magkaroon ng putukan sa loob ng gusali. Kuha ni Ernie Reyes
MANILA, Philippines – Naglunsad ang Philippine National Police (PNP) nitong Miyerkules ng mga hotline na maaaring tawagan ng publiko upang magbigay ng beripikadong impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na wanted ng International Criminal Court (ICC) mula Nobyembre noong nakaraang taon.
Kasunod ito ng anunsyo ni Interior Secretary Jonvic Remulla noong Biyernes tungkol sa P50-milyong pabuya para sa ikadarakip ng senador.
Sa isang press conference, inilabas ni PNP public information chief Col. Allen Rae Co ang mga sumusunod na hotline na bukas 24 oras araw-araw simula Miyerkules:
–Globe: 0927-307-3501
–Globe: 0995-512-2729
–Globe: 0945-611-5926
–Smart: 0999-361-9878
–Smart: 0960-692-3025
Maaari ring tumawag sa 911 ang publiko upang iulat ang beripikadong impormasyon tungkol sa lokasyon ni Dela Rosa.
Nagbabala si Co na maaaring maharap sa kasong kriminal ang mga tatawag upang magbigay ng maling impormasyon o gawing biro ang mga hotline.
“This is an official law enforcement resource, ito pong numbers na ito and you can be criminally charged kapat nilaro-laro ninyo,” ani Co.
Ayon kay Co, wala pa ring bagong impormasyon tungkol sa posibleng pagsuko ni Dela Rosa. Patuloy rin ang pakikipagnegosasyon sa umano’y armadong grupong sinasabing nagpoprotekta sa senador.
Umalis si Dela Rosa sa gusali ng Senado madaling-araw noong Mayo 14 matapos maglabas ang ICC ng warrant of arrest laban sa kanya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kabilang si Dela Rosa sa mga personalidad na tinukoy bilang mga kasabwat umano sa kasong crimes against humanity laban kay Duterte sa ICC. Nagsilbi siyang hepe ng PNP mula 2016 hanggang 2018.
Batay sa imbestigasyon ng noo’y ICC prosecutor na si Karim Khan, tinatayang 12,000 hanggang 30,000 katao ang napatay sa kampanya kontra droga noong administrasyong Duterte. RNT/MDS