Home NATIONWIDE Visayas grid muling isasailalim sa red, yellow alert

Visayas grid muling isasailalim sa red, yellow alert

1
0

MANILA, Philippines – Muling sasailalim sa red at yellow alert ang Visayas grid ngayong Miyerkules, Oktubre 28, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ayon sa advisory ng NGCP, ipatutupad ang red alert mula alas-5 hanggang alas-6 ng gabi. Magkakaroon naman ng yellow alert mula alas-2 hanggang alas-5 ng hapon at muling ipatutupad mula alas-6 hanggang alas-8 ng gabi.

Paliwanag ng NGCP, nagdedeklara ng red alert kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente para matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ang kinakailangang reserba ng transmission grid. Yellow alert naman kapag kulang ang operating margin para sa mga posibleng aberya sa grid.

Nasa 2,236 megawatts (MW) lamang ang kasalukuyang available capacity ng grid, habang umaabot sa 2,548 MW ang peak demand.

Kabilang sa mga dahilan ng alerto ang hindi pagtakbo ng malalaking coal plant na TVI 1, TVI 2 at KSPC 1, gayundin ang limitadong pag-aangkat ng kuryente mula sa Mindanao dahil sa nakatakdang maintenance outage ng GNPK 4 at TSI 2.

Ayon pa sa NGCP, maraming planta ang nananatiling hindi gumagana dahil sa mga sapilitang outage mula pa sa iba’t ibang buwan at taon. Mayroon ding 18 planta na tumatakbo sa limitadong kapasidad, dahilan upang mawalan ng kabuuang 804.3 MW na suplay ang grid. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here