MANILA, Philippines – Sisimulan ng Land Transportation Office (LTO) sa Nobyembre 15 ang pagbawi sa lisensya ng mga driver na mahuhuling nagmamaneho habang nakainom ng alak.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, mananatiling umiiral ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, ngunit kailangang dumaan sa proseso ng korte ang pag-usig sa mga lalabag. Saklaw naman ng LTO ang usapin ng lisensya ng mga driver.
Magkakabisa ang kautusan bago ang inaasahang pagsisikip ng trapiko sa panahon ng Kapaskuhan.
Ayon kay Lacanilao, maaari pang iapela ang pagbawi ng lisensya. Dadaan ang kaso sa LTO Intelligence and Investigation Division at magkakaroon ng mga pagdinig bago maglabas ng resolusyon.
Gayunman, maaaring maging permanente ang pagbawi ng lisensya sa mas malulubhang insidente.
Sinabi rin niya na matagal nang naitatala ang mga insidente ng drunk driving, at Cebu ang may pinakamaraming kaso. RNT/MDS