CAVITE, Philippines – Aabot sa 52.01 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P353,668 ang nakumpiska mula sa tatlong hinihinalang tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa Imus City, Cavite.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa alyas na Tropa at Ruby, na kapwa nasa listahan ng High Value Individuals (HVI), at alyas Jhon, na nasa listahan naman ng Street Value Individual.
Isinagawa ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Imus Component City Police Station (CCPS) bandang alas-7 ng gabi sa Barangay Anabu 2E, na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlo.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin ang buy-bust money at iba pang ebidensya.
Nasa kustodiya na ng Imus CCPS ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. MARGIE BAUTISTA