MANILA, Philippines – Arestado ng pulisya ang 43-anyos na barangay kagawad na tinukoy bilang high-value target sa operasyon sa Labangan, Zamboanga del Sur nitong Biyernes, Nobyembre 20.
Bukod sa pag-aresto, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang hinihinalang shabu at improvised na armas.
Ayon kay Capt. Derf Jay Maquinta, spokesperson ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), isinilbi ng mga operatiba mula sa Labangan Municipal Police Station ang search warrants laban sa kagawad bandang alas-2 ng madaling araw sa Purok Gadungan sa Barangay Bulanit.
Ang mga warrant na inisyu noong Nobyembre 19 ng Regional Trial Court in Pagadian City, ay para sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa operasyon, nakumpiska ng pulisya ang sachet ng hinihinalang shabu, isang improvised 12-gauge shotgun, short steel magazine, 36 rounds ng 12-gauge ammunition, at bamboo stick clip na ginamit sa pagselyo ng mga sachet ng droga.
Dinala na sa Labangan Municipal Police Station ang suspek at mga iligal na droga. RNT/JGC