TAGAYTAY CITY, Cavite, Philippines – Tinatayang P477,000 na cash na kita ng isang sangay ng McDonald’s ang natangay matapos pasukin ng hindi pa nakikilalang suspek ang establisimyento sa Barangay San Jose, Tagaytay City, Cavite.
Ayon sa ulat, natuklasan ng sales manager ang insidente bandang alas-5:50 ng umaga nang buksan ang tindahan at mapansing puwersahang sinira ang sliding window sa drive-thru take-out area.
Batay sa paunang imbestigasyon, pumasok ang suspek sa pamamagitan ng nasirang sliding window. Pinutol din umano nito ang mga kable ng CCTV at alarm system upang hindi matukoy ang pagkakakilanlan nito.
Tinangay din ng suspek ang Digital Video Recorder (DVR) na nakakabit sa CCTV surveillance system, kasama ang mga accessories nito.
Sa isinagawang imbentaryo, natuklasang nawawala ang vault na naglalaman ng P477,000 na cash na kita ng tindahan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang suspek. MARGIE BAUTISTA