MANILA, Philippines – Itinaas ng Philippine National Police (PNP) sa 73,034 ang bilang ng mga tauhang itatalaga para sa seguridad ngayong Undas, mula sa unang bilang na 72,501, upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipinong dadalaw sa mga sementeryo, bibiyahe sa mga terminal at uuwi sa kanilang mga probinsya.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Allen Rae Co, patuloy na sinusuri at inaayos ang deployment batay sa aktuwal na kondisyon sa lugar at mga bagong pagtataya sa dami ng mga tao.
Kabilang sa deployment ang 16,560 tauhan mula sa iba pang yunit at ahensya, gaya ng Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang tanggapan ng pamahalaan.
Susuportahan naman sila ng 51,578 force multiplier, kabilang ang mga barangay tanod, radio group at iba pang non-government organization.
Nakatakdang ilagay sa full alert ang PNP sa buong bansa mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2.
Hinimok ni Co ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang biyahe patungo sa mga probinsya at bayan, lalo na sa hapon ng Oktubre 30, kung kailan inaasahan ang mabigat na trapiko.
“We are reminding our mga kababayans to plan accordingly sa travel nila going to their home provinces or hometowns na medyo mabigat sigurado ito sa Oct. 30 in the afternoon,” ani Co.
Samantala, naghahanda rin ang dalawang pangunahing tollway operator sa inaasahang pagdami ng mga sasakyan sa mga expressway. Inaasahan ng SMC Infrastructure ang 10% pagtaas ng volume ng sasakyan sa tollway network nito, habang tinatayang 5% naman ang pagtaas na inaasahan ng Metro Pacific Tollways Corp. (MPTC). RNT/MDS