Home OPINION CSOs SA KAMARA, SENADO, WALANG SILBI?

CSOs SA KAMARA, SENADO, WALANG SILBI?

2
0

MAY silbi ba o wala ang Civil Society Organizations (CSOs) na nag-iingay ukol sa mga dambuhalang halagang isiningit sa panukalang batas sa badyet na P7.2 trilyong General Appropriations Act para sa susunod na taon o 2027?

Nagtatanong tayo, mga Bro, dahil naroon silang 13 CSO sa Kamara habang tinatalakay noon ang National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Palasyo.

Ngunit wala tayong gaanong narinig na mga ingay nila sa Kamara noon gaya ng naririnig ngayon sa Senado.

Ipagpalagay na lang na nag-iingay sila noon sa Kamara, malinaw na pasok sa isang tainga, labas sa isang tainga ng mga kongresman ang kanilang mga boses.

Binalewala ang transparency o pagiging bukas sa mata ng publiko?

Matapos ang mga deliberasyon, agad ipinasa ng mga kongresman ang nabuo nilang panukalang GAA batay sa NEP umano sa Senado noong Oktubre 13, 2026.

Nag-iyakan pa nga sila sa tuwa matapos ang pinal na pag-apruba ng plenaryo noong Oktubre 12.

MGA IPINAG-IINGAY

Kabilang sa mga naunang pinag-iingay ng mga CSO laban sa Kamara ang P190 bilyong kabuuang halaga ng mga insertion o isiningit ng mga kongresman na proyektong imprastraktura ng Department of Public Works and Highways.

Basic Infrastructure Program (BIP) o local infra projects naman ang tawag ni Congressman Isidro Ungab sa mga ito at para sa mga distrito ng mga kongresman at may nagkakahalaga ng P72B.

Para sa mga CSO, bahagi ng P190B ang kalsada at flood control sa Eastern Samar na nagkakahalaga ng P1.12B.

May ₱2B para sa konstruksyon at pagsasaayos ng 180 health facilities sa ilalim ng Department of Health habang may P7B para sa proyektong irigasyon ng National Irrigation Administration.

Para sa Department of Agriculture, may isiningit ding P6B para sa 350 bagong proyekto at dito natuklasan ang ilang Farm to Market Road na nasa gitna ng Philippine Rise at Celebes Sea habang may P7 milyong barangay hall sa bansang Algeria ngunit para sana sa Barangay Gaston, Lagonglong, Misamis Oriental at may kalsada sa Nigeria na para sana sa Barangay Canlandog, Murcia, Negros Occidental.

Hindi sinasabi ng mga CSO na may mga korapsyon agad dito ngunit, ayon kay Cong. Ungab, anak ng tokwa, paghahanda na ito para sa halalang 2028.

Pang-akit o pambili ba ng boto at pagkikbakan ba ang mga proyektong ito, Cong. Ungab?

DESISYONG SUPREME COURT HINDI INASAHAN

Sinasabing kumalma nang kaunti ang mga kongresman, kasama ang mga senador, nitong 2026 ukol sa korapsyon makaraang magkabuking-buking at may mga masampahan ng kaso sa P1.3 trilyong iskam sa mga flood control.

Ngunit muling umarangkada ang mga ito para sa 2027, para magkaroon ng mga proyektong imprastraktura.

Kaya lang, nagkandaletse-letse ang lahat nang maglabas ang Supreme Court ng desisyong nagdedeklara sa mga GAA 2024, 2025 at bahagi ng 2026 na labag sa Konstitusyon nitong Oktubre 20, 2026 o isang linggo makaraang ipasa ng mga kongresman ang panukalang GAA 2027.

Itong desisyon ng Hukuman ngayon ang sinasangkalan ng mga CSO at mga senador para busisiin nang husto ang bersyon ng mga kongresman na GAA 2027.

Hindi inasahan ng mga kongresman na madidiskaril ang kanilang mga insertion dahil sa desisyon ng Hukuman.

Pera na, magiging bato pa? O iyakan ulit!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here