SA taong ito, dear readers, kabi-kabilang transport accidents ang naganap. Isa dito ang malagim na trahedyang sinapit ng isang pamilya madaling-araw nito lamang Oktubre 27 sa Congressional Avenue, malapit sa Quezon City. Tumagilid ang isang dump truck na may kargang buhangin at nadaganan ang motorsiklong sinasakyan nila. Dahil sa nangyari, nasawi ang 42-anyos na ama at ang kanilang 11-buwang gulang na sanggol, habang sugatan naman ang ina.
Sa himpapawid, apat na piloto ng Philippine Air Force ang nasawi nang bumagsak ang dalawang SF-260 training aircraft sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 23. Iniimbestigahan ang sanhi ng insidente at pansamantalang ipinahinto ang paggamit ng natitirang SF-260 aircraft.
Sa karagatan, sariwa pa sa alaala ang trahedya ng M/V June Aster na nasunog malapit sa Coron, Palawan noong Setyembre. Sa pinakahuling ulat noong October 19, tinatayang pitumpu’t pito ang nasawi at walo ang nawawala. Sa isinagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire and Protection, nagkaroon ng pagkukulang sa storage ng hazardous material at operational condition ng barko na nagdulot ng ignition sa mixture ng asphalt at calcium hydrochloride.
Karagdagan pa sa ating listahan ang pagkahulog sa bangin ng isang pampasaherong bus sa Pagbilao, Quezon noong Abril na ikinamatay ng dalawa at ikinasugat ng 37 iba pa. Banggaan sa Tuba, Benguet ang kumitil ng isa at mahigit 90 sugatan noong buwan ng Mayo, at paglubog ng MV Trisha Kerstin 3 noong Enero 26 sa karagatan ng Basilan na nagresulta sa pagkasawi ng 65 katao.
Bilang isang safety professional, naniniwala tayong panahon na para maitatag ang isang independent body at ahensya na may kapangyarihang mag-imbestiga sa aksidente sa land, air, at sea transportation, railways at pipeline kung saan kabilang ang ating mga nabanggit. Mangyayari ito kung maisasabatas ang Philippine Transportation Safety Board Act (PTSB Act) na halos isang dekada nang isinusulong. Sa kasalukuyan, dalawang house bill sa 20th Congress ang nakasalang at magpahanggang ngayon ay pinag-uusapan.
May sapat na kakayanan ang PTSB upang tukuyin ang pinag-uugatan ng problema at maitama ang mga pagkakamali. Sa pamamagitan ng mga eksperto, makapagbibigay ito ng kaukulang long-term solutions na magiging gabay ng ibang mga ahensya para sa kapakanan ng mga biyahero at para na rin sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya.
Sana naman ay maisabatas na.






