MANILA, Philippines – Isinusulong ni Sen. Bam Aquino ang pagtataas sa P480,000 ng taunang personal income tax exemption upang madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawa sa gitna ng mataas na presyo ng bilihin at iba pang hamon sa ekonomiya.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 267, nais ni Aquino na i-update ang kasalukuyang tax exemption threshold sa ilalim ng TRAIN Law.
Ayon sa senador, katumbas ng P480,000 kada taon ang tinatayang P40,000 buwanang living wage para sa pamilyang may apat hanggang limang miyembro.
“Ramdam ng mga pamilya na mas kaunti na ang naiuuwing pagkain sa kaparehong budget. Kailangang makasabay ang kanilang kinikita sa pagtaas ng presyo ng bilihin,” ani Aquino.
Giit niya, mas malaking bahagi ng sahod ang dapat maiuwi ng mga manggagawa upang may sapat na pondo para sa pagkain, edukasyon, healthcare at iba pang pangunahing pangangailangan.
Binanggit din ni Aquino ang paghina ng piso, banta ng El Niño, mataas na interest rates at mabagal na paglago ng ekonomiya bilang mga salik na maaaring magdagdag ng pressure sa presyo ng pagkain, langis, kuryente at iba pang bilihin.
Sinabi naman ng Department of Finance na bukas ito sa panukala ngunit kailangan ding matukoy ang alternatibong pagkukunan ng kita upang mapunan ang posibleng mabawas sa revenue ng pamahalaan.
Bukod dito, isinusulong din ni Aquino ang Senate Bill No. 2047 na magpapababa sa VAT mula 12% patungong 10%, at Senate Bill No. 266 na naglalayong alisin ang VAT sa pagbebenta ng kuryente.
Hinimok din niya ang GSIS, SSS, SB Corp at Pag-IBIG Fund na pansamantalang i-waive ang interest sa ilang pautang mula Enero hanggang Marso 2027 bilang tugon sa epekto ng inaasahang matinding El Niño.
Nanawagan din ang senador na suspendihin ang excise tax sa petroleum products at alisin ang 12% VAT sa residential electricity upang mabawasan ang gastos ng mga pamilya at negosyo.
Ayon kay Aquino, makatutulong din ang mas mataas na take-home pay sa pagpapalakas ng consumer spending at pagsuporta sa mga lokal na negosyo. Ernie Reyes