MANILA, Philippines – Bahagyang lumakas ang piso laban sa US dollar nitong Huwebes, Oktubre 29, matapos magbukas sa P63.88 kada dolyar.
Nagsara ang piso sa P64.025 noong Miyerkules, matapos tumama sa record low na P64.17 kada dolyar noong Martes.
Bago ang matinding paghina nitong mga nakaraang buwan, umabot pa sa P57.665 kada dolyar ang piso noong Pebrero 27.
Inaasahang makapagpapataas ng gastos sa pag-import ng langis ang mahinang piso dahil dolyar ang ginagamit sa pagbili nito sa international market.
Maaari rin itong magdagdag ng pressure sa inflation at magpataas ng halaga ng foreign-denominated debt ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona na hindi layunin ng central bank na pigilan nang tuluyan ang depreciation ng piso dahil maaaring maubos ang foreign exchange reserves sa agresibong intervention.
Gayunman, maaari pa ring kumilos ang BSP sa foreign exchange market upang mapahupa ang biglaang pagbabago sa halaga ng piso. Dave Medina