MANILA, Philippines – Dumadagsa na ang mga biyahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ilang araw bago ang paggunita ng Undas.
Batay sa datos ng Manila International Airport Authority (MIAA), umabot na sa 290,844 pasahero ang dumaan sa NAIA mula Oktubre 27 hanggang 28.
Nakapagtala ng 146,345 pasahero noong Miyerkules, kabilang ang 71,621 international at 74,724 domestic passengers.
Bahagya itong mas mataas sa 144,499 pasahero na naitala noong Martes.
Inaasahan naman ng New NAIA Infrastructure Corp. na aabot sa humigit-kumulang 1.25 milyon ang kabuuang passenger traffic sa NAIA ngayong Undas, bahagyang mas mataas sa 1.24 milyon noong 2025.
Samantala, lagpas 700,000 pasahero na rin ang dumaan sa PITX.
Umabot sa 745,769 passengers ang naitala mula Oktubre 25 hanggang 28, ayon sa datos ng terminal.
Pinakamaraming pasahero sa loob ng naturang panahon ang naitala noong Oktubre 26 na may 197,288.
Pagsapit naman ng alas-8 ng umaga nitong Oktubre 29, karagdagang 38,575 pasahero na ang dumaan sa PITX.
Inaasahan pang tataas ang bilang ng mga biyahero habang papalapit ang All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2. Dave Medina