MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging toll-free hanggang katapusan ng taon ang NLEX-C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A na nag-uugnay sa Quezon City at Valenzuela City.
Ginawa ng Pangulo ang anunsyo sa inagurasyon ng dalawang kilometrong bahagi ng proyekto na nagkokonekta sa Mindanao Avenue at Quirino Highway.
“Libre ang pagdaan dito ngayon until end of the year,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, napapanahon ang pagbubukas ng bagong segment dahil sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas.
Bagama’t dalawang kilometro lamang ang haba ng bagong bahagi, sinabi ni Marcos na malaki ang maitutulong nito sa pagpapabilis ng biyahe.
Aniya, ang rutang dati umanong umaabot sa 40 hanggang 45 minuto dahil sa pagdaan sa surface roads ay maaari nang matapos sa humigit-kumulang limang minuto.
Inihayag din ng Pangulo na plano ng MVP Group, sa pakikipag-ugnayan sa SM Group, na mamuhunan ng humigit-kumulang P120 bilyon para sa proyektong elevated road mula Balintawak hanggang Bocaue, Bulacan.
Ayon kay Marcos, inaasahang makatutulong ang naturang proyekto upang higit pang mapabilis at mapagaan ang biyahe ng mga motorista at commuter sa naturang corridor. Kris Jose