MANILA, Philippines – Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na dadaan sa tamang proseso ang pagbawi ng lisensya ng mga mahuhuling nagmamaneho habang lasing o nasa ilalim ng impluwensiya ng droga.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, mahalagang mapanagot ang mga lumalabag ngunit dapat ding masunod nang maayos ang proseso ng apprehension.
Magsisimula ang LTO sa Nobyembre 15 sa pagpapatupad ng license revocation laban sa drunk drivers, alinsunod sa Memorandum No. MVL-2026-242.
Sa ilalim ng guidelines, kailangang sumailalim muna sa Field Sobriety Test ang driver na pinaghihinalaang lasing.
Kapag bumagsak dito, saka gagamit ng breath analyzer upang masukat ang alcohol level sa katawan.
Nilinaw ng LTO na hindi sapat ang breathalyzer test lamang at kailangang sundin ang itinakdang pagkakasunod-sunod ng pagsusuri.
Bukod sa mga parusa sa ilalim ng Anti-Drunk and Drugged Driving Act, maaari ring bawiin ng LTO chief ang lisensya ng isang driver na itinuturing ng LTO Law Enforcement Service na “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Isusumite naman ng Law Enforcement Service sa Investigation Division ang records ng bawat apprehension, kabilang ang mga kaso kung saan tumanggi ang driver na sumailalim sa pagsusuri. Santi Celario