CEBU – Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga miyembro ng ASEAN at dialogue partners nito na igalang ang international law, kabilang ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at itakwil ang banta o paggamit ng puwersa sa paglutas ng mga alitan.
Ginawa ni Teodoro ang pahayag sa kanyang opening remarks sa 13th ASEAN Defense Ministers’ Meeting-Plus (ADMM-Plus) sa Cebu nitong Huwebes.
Ayon kay Teodoro, kailangang nakabatay sa mutual respect at pagsunod sa international law ang defense cooperation ng mga kalahok na bansa.
Binigyang-diin niya ang mga prinsipyo ng paggalang sa sovereignty at territorial integrity, non-interference sa internal affairs, peaceful settlement of disputes at pagtalikod sa threat o use of force.
Kasabay nito, nanawagan din ang kalihim na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng defense cooperation sa ilalim ng ADMM-Plus framework.
Kabilang sa kanyang binigyang-diin ang proteksyon sa critical underwater infrastructure, pagpapalakas ng people-to-people ties, at mas malawak na kooperasyon sa food at energy security sa gitna ng supply chain disruptions at mga armadong tunggalian sa ibang bansa.
Nanawagan din si Teodoro para sa mas malakas na proteksyon sa migrant workers at seafarers, partikular sa mga ASEAN nationals na maaaring maipit sa conflict zones.
Host ang Pilipinas ng 20th ASEAN Defense Ministers’ Meeting at 13th ADMM-Plus sa Cebu mula Oktubre 28 hanggang 29.
Kabilang sa walong dialogue partners ng ADMM-Plus ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, South Korea, Russia at United States. Dave Medina