MANILA, Philippines – Nanawagan ang 35 business at advocacy groups sa Kongreso na alisin sa panukalang P7.2-trilyong 2027 national budget ang umano’y congressional insertions na walang malinaw na technical basis.
Sa joint statement, hinimok ng mga grupo ang liderato ng Senado at Kamara na tiyaking transparent at may sapat na dokumentasyon ang lahat ng pondong nakapaloob sa budget.
Ayon sa kanila, mahigit P180 bilyon umano ang idinagdag sa Department of Public Works and Highways (DPWH) allocations sa House-approved General Appropriations Bill sa pamamagitan ng Budget Amendments and Review Subcommittee.
Sinabi ng mga grupo na batay sa pagsusuri ng independent budget watchdogs, saklaw ng mga dagdag na alokasyon ang hindi bababa sa 6,000 proyekto, kabilang umano ang lump-sum allocations para sa multi-purpose buildings at access at bypass roads.
Ikinabahala rin nila ang umano’y pagbabawas ng humigit-kumulang P130 bilyon mula sa foreign-assisted projects, P9.5 bilyon mula sa calamity funds, P1.76 bilyon mula sa EDSA Busway at P4.9 bilyon mula sa health programs upang pondohan ang ibang items.
Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagpapanumbalik ng naturang pondo, paglalathala ng lahat ng budget amendments at hindi pagtanggap ng mga bagong item sa bicameral conference committee.
Iginiit din nilang dapat livestreamed ang bicam proceedings at walang blank o lump-sum entries sa final report.
Kabilang sa mga lumagda sa pahayag ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Makati Business Club, Management Association of the Philippines, Employers Confederation of the Philippines, FINEX, PHILEXPORT at iba pang business at civil society organizations.
Nauna nang sinabi ng People’s Budget Coalition na nakakita ito ng mahigit P1 trilyong halaga ng umano’y “red flags” sa House-approved 2027 budget.
Samantala, sinabi ng Malacañang na hindi awtomatikong mali ang budget insertions kung ang pondo ay ginagamit nang tama para sa lehitimong proyekto at hindi napupunta sa bulsa ng mga opisyal. Dave Medina