MANILA, Philippines – Wala pang nakikitang pangangailangan ang Philippine National Police (PNP) na maglabas ng “wanted poster” para kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang nagpapatuloy ang manhunt operation laban sa senador.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co, kilala naman ng publiko ang mukha ni Dela Rosa at malawak na ring naipabatid ang P50 milyong reward para sa impormasyong hahantong sa kanyang pagkakaaresto.
“Hindi sa hindi magawa. We do not see any need for now. Kasi unang-una, sino bang hindi nakakakilala sa itsura ni Senator Bato?” ani Co.
Gayunman, sinabi niyang patuloy na pinag-aaralan ang posibilidad na maglabas ng wanted poster kung matutukoy na makatutulong ito sa paghahanap at pag-aresto sa senador.
Tumanggi naman ang PNP na magbigay ng detalye tungkol sa kanilang operasyon dahil maaaring makompromiso umano nito ang manhunt at malagay sa panganib ang mga operatiba.
Ipinagtanggol din ni Co ang pagtukoy ng PNP kay Dela Rosa bilang “armed and dangerous,” na iniuugnay ng pulisya sa 90 baril ng senador na sinabi nitong hindi pa accounted for.
Si Dela Rosa, dating PNP chief, ay hinahanap kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) sa kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Inaakusahan siya ng ICC prosecutors bilang umano’y co-perpetrator sa mga nasabing krimen.
Nauna namang sinabi ng Department of the Interior and Local Government na posibleng nagtatago si Dela Rosa sa Mindanao sa proteksyon umano ng isang “armed and powerful group,” ngunit hindi nito tinukoy ang naturang grupo. Santi Celario