Home NATIONWIDE Ex-aide ni Bernardo: Mga kahon, maleta inihatid kina Estrada, Revilla, Bonoan

Ex-aide ni Bernardo: Mga kahon, maleta inihatid kina Estrada, Revilla, Bonoan

8
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng dating aide ni ex-Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo na naghatid siya ng mga kahon at maleta kina suspended Sen. Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at iba pang opisyal.

Sa pagdinig sa Sandiganbayan Fifth Division nitong Huwebes, sinabi ni Vergel Nino Garcia na noong Nobyembre 2024 ay naghatid siya ng 12 kahon sa Artiaga Building sa San Juan City na para umano kay Estrada, sa utos ni Bernardo.

Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi niya nakita ang laman ng mga kahon at wala rin silang kinuhang litrato o video ng delivery.

Ayon sa testigo, mga lalaki mula sa gusali ang kumuha ng mga kahon at ipinasok ang mga ito sa loob. Sinabi rin niyang nakita niya umano si Estrada sa gusali bago niya ini-report kay Bernardo na natapos ang delivery.

Ikinuwento rin ni Garcia na nakapaghatid umano siya ng hanggang 12 kahon kay Revilla, 15 kahon kay Bonoan, isang kahon at paper bag kay dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral, at walong maleta at 15 kahon kay dating Education Undersecretary Trygve Olaivar.

Nagbigay na rin noon si Garcia ng kahalintulad na testimonya sa hiwalay na malversation case na kinasasangkutan ni Revilla.

Samantala, tumestigo rin si dating DPWH-NCR director Gerard Opulencia na mayroon umanong 5% hanggang 10% “pasasalamat” para sa ilang DPWH officials bukod pa sa sinasabing 25% “commitment fee.”

Sinabi ni Opulencia na inatasan umano siya ni Bernardo na maghanda ng P360 milyon na “commitment,” na kalaunan ay nalaman niyang para umano kay Estrada. Ang mga alegasyong ito ay bahagi pa ng pagdinig at hindi pa pinal na hatol ng korte.

Nahaharap si Estrada sa P573-milyong plunder case kaugnay ng umano’y kickbacks mula sa flood control projects. Ipagpapatuloy ng Sandiganbayan Fifth Division ang pagdinig sa Nobyembre 4. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here