MANILA, Philippines- Kailangan pa ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang binagong plano para sa Samal Island-Davao City Connector (SIDC) project matapos aprubahan ng isang mataas na komite ng pamahalaan ang restructuring ng proyekto.
Sa pahayag ng Department of Finance (DOF), inaprubahan ng Investment Coordination Committee-Cabinet Committee (ICC-CC), na kapwa pinamumunuan ni Finance Secretary Frederick Go, ang mga pagbabago sa proyekto.
Gayunman, hindi isiniwalat ng DOF ang mga partikular na pagbabagong kasama sa inaprubahang restructuring.
Inendorso noong Oktubre 2026 sa Economic Development (ED) Council ang proyektong pinopondohan ng dayuhang pautang. Layunin nitong pagdugtungin ang Davao City at Samal Island sa pamamagitan ng isang four-lane bridge na walang toll fee at kayang tumanggap ng tinatayang 25,000 sasakyan kada araw.
Isusumite pa ang proyekto kay Marcos, na siyang namumuno sa ED Council, para sa pinal na pag-apruba.
Ayon kay Go, makatutulong ang tulay na mapabuti ang koneksiyon sa pagitan ng Davao City at Samal Island, masuportahan ang mga lokal na negosyo, at makalikha ng mas maraming oportunidad para sa mga komunidad.
Samantala, naglabas ang Korte Suprema noong nakaraang taon ng Writ of Kalikasan kaugnay ng proyekto. Isa itong legal na remedyo na naglalayong protektahan ang karapatan ng mamamayan sa isang malinis at malusog na kapaligiran, alinsunod sa 1987 Constitution.
Inihain ng mga environmental advocate na sina Carmela Marie Santos at Mark Peñalver, kasama ang Sustainable Davao Movement, ang petisyon para sa naturang writ.
Ipinunto nila na nagbabanta ang konstruksyon ng tulay na magdulot ng “actual, serious, and irreversible damage” sa mahahalagang marine ecosystem, partikular sa mga coral reef sa Paradise Reef sa Samal Island at Hizon Marine Protected Area sa Davao City.
Sa kabila nito, iginiit ng DOF na magiging mas madali ang pag-access sa mga trabaho, paaralan, pamilihan, destinasyong panturismo, at mahahalagang serbisyo sa sandaling maisakatuparan ang proyekto.
Inaasahan din ng kagawaran na susuportahan ng tulay ang mga lokal na negosyo at pasisiglahin ang aktibidad pang-ekonomiya sa lugar.
Dumalo rin sa pulong ng ICC-CC ang mga kinatawan mula sa Office of the Executive Secretary, Department of Economy, Planning, and Development, Department of Budget and Management, Department of Energy, at Bangko Sentral ng Pilipinas. RNT/JGC