MANILA, Philippines – Pormal nang ipinasa ng Pilipinas sa Singapore nitong Huwebes, Oktubre 29, ang pamumuno sa dalawang pangunahing mekanismo ng depensa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) para sa susunod na taon.
Sa seremonya sa Lapu-Lapu City, Cebu, ipinasa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. kay Singapore Defense Minister Chan Chun Sing ang pamumuno sa ASEAN Defense Ministers’ Meeting (ADMM) at ADMM-Plus.
Pangungunahan ng Singapore ang dalawang mekanismo sa 2027, kasunod ng Pilipinas na nag-host ng ika-20 ADMM at ika-13 ADMM-Plus noong Oktubre 28 at 29.
Nangako naman si Chan na palalakasin ng Singapore ang kooperasyong panrehiyon sa depensa upang mas maging handa, madaling makaangkop, at matatag ang mga bansa sa mga umuusbong na banta sa seguridad.
Kabilang sa mga hamong ito ang climate change, cyber threats, kumbensyonal na digmaan, at mga emerhensiyang makatao.
“Ang tungkulin natin ay hindi ang maghanap ng mga sagot kahapon para sa mga tanong kahapon. Ang hamon sa atin ay laging maging handa at humanap ng mga sagot ngayon para sa mga hamon ng bukas,” pahayag ni Chan.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang manatiling makabuluhan ang ADMM at ADMM-Plus sa pagtugon sa kasalukuyan at umuusbong na mga usapin sa seguridad. Hinimok din niya ang mas mahigpit na pagtutulungan ng mga bansang kasapi ng ASEAN at kanilang mga dialogue partner.
Samantala, sinabi ni Teodoro na nagsilbing pundasyon ang mga pagpupulong ngayong taon para sa mas matatag na kooperasyon sa depensa ng rehiyon.
Nagpasalamat din ang kalihim sa mga kapwa kasaping bansa ng ASEAN sa pagsuporta sa napagkasunduang proseso na kinabibilangan ng ASEAN Observer Team, na nagmomonitor sa tigil-putukan sa pagitan ng Cambodia at Thailand.
Ayon kay Teodoro, makikipagtulungan ang Pilipinas sa Singapore upang matiyak ang maayos na paglilipat ng pamumuno at ipagpatuloy ang pagsusulong ng mapayapang solusyon sa mga hamon sa seguridad sa rehiyon.
“Sa huli, sa ating patuloy na nagbabagong mundo, ang dapat manatiling matatag ay ang pagkakaisa, sentralidad, at pakikiisa ng ASEAN,” aniya.
Ang ADMM ang pinakamataas na mekanismo ng ASEAN para sa konsultasyon at kooperasyon sa depensa. Samantala, pinagsasama ng ADMM-Plus ang mga bansang kasapi ng ASEAN at walong dialogue partner upang palakasin ang pagtutulungan sa depensa at seguridad. RNT/JGC