MANILA, Philippines – Pinangunahan ni PBGen Dominic L. Baccay Regional Director ng PRO4 CALABARZON ang Official Launching ng B.E.S.T. in Every Step Magazine sa Press Briefing ng Ligtas Undas 2026, nitong Huwebes, Oktubre 29 sa MPC Hall ng Camp Vicente P. Lim Calamba City, Laguna.
Nasa 12,297 ang kabuuang itinalaga sa mga sementeryo sa CALABARZON kabilang ang PNP, Force Multipliers, BJMP, Coast Guard, BFP, AFP at Barangay Tanod.
Ayon kay PBGen. Baccay sinisiguro nito na maayos at ligtas ang mga taong magtutungo sa sementeryo para bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay na namayapa.
Aniya, kabilang sa mga inaasahang dadagsain ng mga tao ang Manila Memorial Cemetery sa Sampaloc 3 Dasmariñas, Cavite, Sta Felomina Cemetery Barangay San Antonio Biñan City, Laguna, Sympathy Memorial and Columbarium sa Manila East Road Barangay San Isidro Anfono, Rizal, Eternal Garden sa Barangay Balagtas Batangas, City at St. Ferdinand Cemetery sa Dalahican, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City, Quezon.
Dagdag pa ni PBGen Baccay, huwag umanong matakot o mag-atubiling lumapit sa mga awtoridad kapag makaranas ng karahasan.
Itatalaga ang mga pulis sa mga Public at Private Cemetery at Columbarium, gayundin sa mga pampublikong kalsada upang masiguro ang maayos at ligtas na makarating sa mga puntod ng kanilang mahal sa buhay at pag-uwi sa kanilang mga tahanan.
Kabilang sa mga ipinagbabawal sa loob ng sementeryo ang pagdadala ng patalim, baril, alak at iba pang matatalas na bagay na maaring pagmulan ng krimen. Ellen Apostol