SAN FRANCISCO, Agusan del Sur, Philippines – Umabot na sa 432 ang kaso ng dengue sa lahat ng 27 barangay ng bayang ito, habang dalawa na ang nasawi hanggang Miyerkules, ayon sa Municipal Health Office (MHO).
Bahagi ito ng mas malawak na pagtaas ng kaso ng dengue sa Agusan del Sur, na isinailalim sa province-wide outbreak noong Oktubre 1 matapos lumampas sa 2,700 ang mga kaso at umabot sa hindi bababa sa 18 ang nasawi.
Kabilang ang San Francisco sa mga lugar na may pinakamaraming kaso sa lalawigan, kasunod ng Rosario, Loreto at Bunawan. Ayon sa lokal na datos, lumampas sa epidemic threshold ang mga kaso noong huling bahagi ng ikalawang quarter at pinakamataas ang naitala sa pagitan ng morbidity weeks 36 at 38.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Barangay Lapinigan na may 58, kasunod ang Pasta na may 41. Sa poblacion, nakapagtala ang Barangay 5 ng 35 kaso, habang tig-30 naman sa Barangays 1 at 4.
Pinakamarami sa mga tinamaan ng sakit ang mga batang edad 10 hanggang 14, na may 84 kaso o 19.44 porsiyento ng kabuuang bilang. Halos magkapantay ang kaso sa babae at lalaki, na may 217 o 50.23 porsiyento sa babae at 215 o 49.77 porsiyento sa lalaki.
Kabilang pa sa mga barangay na may double-digit na kaso ang Pisa-an (26), Karaus (25), Alegria (25), San Isidro (24), Barangay 2 (22), Bayugan 2 (19), Barangay 3 (18), Hubang (14), Borbon (11) at Das-agan (10). Tig-iisang kaso naman ang naitala sa Ormaca at Bitan-agan.
Pinaigting ng mga health team ang misting operations, paglalagay ng larvicide at house-to-house inspections. Hinikayat din ang mga residente na sundin ang “5S” strategy ng Department of Health: hanapin at sirain ang mga pinamumugaran ng lamok, protektahan ang sarili laban sa kagat, agad magpakonsulta, suportahan ang fogging sa mga lugar na may mataas na kaso, at panatilihin ang sapat na pag-inom ng tubig. RNT/MDS