MANILA, Philippines – Inilagay ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang lahat ng yunit nito sa buong bansa simula Biyernes bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa sementeryo at bibiyahe ngayong Undas 2026.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Wilson Lopez, nasa 141,000 tauhan ng PNP at mga augmentation force ang itinalaga upang tiyakin ang seguridad sa panahon ng Undas.
“Kaninang madaling araw (Early morning), all PNP units nationwide are placed on full alert status from today up to November 3,” ani Lopez.
“A total of approximately 141,000 personnel from the PNP and other augment forces. Our force multipliers have been deployed to ensure a safe, peaceful and orderly observance of the Undas,” dagdag niya.
Sa Metro Manila, sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brig. Gen. Christopher Abrahano na nasa 25,000 tauhan ang nakahandang rumesponde. Sa bilang na ito, humigit-kumulang 7,000 ang itatalaga sa mga prayoridad na lugar gaya ng mga sementeryo, kalsada at transportasyon hubs.
Minomonitor din ng pulisya ang mga residential area at establisimyento upang maiwasan ang mga krimen, kabilang ang pagnanakaw sa mga bahay na maiiwang walang tao habang dumadalaw ang mga pamilya sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Ang focus natin, hindi lang doon sa sementeryo, dapat sa kanilang bahay, considered yun. Yung pupuntahan nila, pagkatapos ng pagpunta nila sa sementeryo, yung restaurants, babantayan din yun. Basically, it’s a holistic approach,” ani Abrahano.
Nakapagtala ang NCRPO ng tinatayang 1.8 milyong bisita sa mga sementeryo noong Undas noong nakaraang taon. Sa pinakahuling ulat nitong Biyernes, mahigit 1,000 katao na rin ang bumisita sa Manila North Cemetery.
Magpapatuloy ang regular na pagpapatrolya, mga aktibidad para maiwasan ang krimen at anti-criminality operations kasabay ng deployment para sa Undas.
Hinikayat ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa pulisya upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita sa Undas 2026. RNT/MDS