MANILA, Philippines – Nakatakdang magpulong sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief Al Haj Murad Ebrahim ngayong darating na buwan ng Noyembre, tugon na rin ito sa naging kahilingan ng Bangsamoro groups sa Pangulo na magkaroon ng dayalogo sa pagitan ng Chief Executive at Mindanaoan leader bago matapos ang buwan.
“Sa ngayon po, wala pa pong exact na date kung kailan iyong pagpupulong, most probably, ito po ay baka po second week of November,” ang sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
“It’s either bago mag-ASEAN or matapos ang ASEAN, ganoon po ang ipinapalagay na maaaring maging schedule ng kanilang pagpupulong,” aniya pa rin.
Nauna rito, hinikayat ng Bangsamoro groups si Pangulong Marcos na pag-usapan ang exit agreement, sinasabing kailangan para makompleto ang peace process sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng decommissioned former rebel group. (KRIS JOSE)