MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na may sapat na tauhan sa lahat ng immigration counter sa mga paliparan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang maiwasan ang mahahabang pila ngayong Undas.
Sa kanyang video message nitong Biyernes, sinabi ng Pangulo na naghahanda ang pamahalaan ng mga hakbang upang maging ligtas at maayos ang biyahe ng mga Pilipinong uuwi sa kanilang mga probinsya o bibiyahe palabas at papasok ng bansa.
“Para sa mga kababayan nating lilipad papasok o palabas ng bansa, sinisigurado nating sapat ang tao at walang bakanteng immigration counters mula October 30 hanggang November 3,” sabi ng Pangulo.
Dagdag pa ng Pangulo, mas gagamitin din ng pamahalaan ang mga digital system, tulad ng eGates, upang mapabilis ang proseso at mabawasan ang oras ng paghihintay ng mga pasahero.
“Pa-iigtingin din ang paggamit ng mga digital system, kagaya ng eGates, upang mapabilis ang pagpila,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na magkakaroon ng mga help desk na bukas buong araw at gabi sa mga pangunahing terminal mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang tumulong sa mga biyahero.
Bahagi ito ng paghahanda ng pamahalaan sa inaasahang pagdami ng mga biyahero ngayong Undas.
Layunin ng mga hakbang na matiyak na ligtas at maayos ang biyahe ng mga Pilipinong bibisita sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
“Kaya nais nating tiyakin na magiging ligtas, maayos, at maginhawa ang kanilang pagbiyahe at pagdalaw,” dagdag pa ng Pangulo. (KRIS JOSE)