CAVITE, Philippines – Natagpuan ang bangkay ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng salvage at itinapon sa madamong bahagi ng East West Road, Barangay Buna Lejos 1, Indang, Cavite.
Tinatayang nasa 35-anyos ang biktima, may taas na 5’3″ at nakasuot ng maroon shorts at dry-fit jersey.
Ayon sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang madatnan ng isang babae ang bangkay sa madamong bahagi sa gilid ng kalsada. Agad niya itong ipinaalam sa mga opisyal ng barangay na nag-report naman sa Indang Municipal Police Station (MPS).
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakitaan ng dugo ang sentido ng biktima. Mayroon ding mga bakas ng dugo sa kanyang kamay at mukha na kapwa binalutan ng duct tape.
Posible umanong sa ibang lugar pinatay ang lalaki at itinapon lamang sa lugar kung saan ito natagpuan upang iligaw ang imbestigasyon.
Inaalam din ng mga awtoridad kung biktima ito ng salvage dahil sa umano’y pagkakahawig ng paraan ng pagbalot ng duct tape sa mukha at kamay sa mga naunang insidente ng ganitong uri ng krimen. MARGIE BAUTISTA